Wednesday, November 23, 2011

Ang Pakialamera

Ang isang Pakialamera
Tumutunghay sa asenso ng iba
Umeepal, rumarampa
Pakubling tumitira!

Sumbong dito, sumbong doon...
Natutuwa kung may naibubulong
Di na baleng kapwa ay mabaon,
Basta meron siyang maisuplong!

Namumuna, namamansin
Pagdaka'y mamimintas din
Sa puwing ng iba tumitingin
At di sariling kuto ang tirisin!

O lupa, maari ba
Ang Pakialamera'y lamunin na
Sa trabaho, sa kumpanya
Ba't ba umaaligid sila?

'Di ba't kaytahimik sana
Kung pagtulong at pagkalinga
Ang siyang inaatupag
Kaysa paninira!

Pakialamera, O Pakialamera!
Tula ko nawa ay mabasa!
Tumutok sa sa sariling problema,
Pag-epal ay tantanan na!

---

"Pagsikapan ninyong mamuhay nang tahimik, pakialaman ang sariling gawain, at magtrabaho kayo upang mabuhay tulad ng itinuro namin sa inyo." (I Thessalonians 4:11)

Sunday, August 14, 2011

Ang Sipsip

Ang tao nga naman, kung gustong umangat,
Makasagasa man ng iba, gagawin ang lahat!
Sisipsip, bibilog, tatango, kikindat…
Makamit lang ang pagtaas, o kaya’y pagsikat!

May kilala ka bang ang diskarte’y bulok?
Ibabandila ang pangalan sa lahat ng sulok!
Kunwa’y hihimasin ang amo sa batok,
Nguni’t sa loob, nais lang na maluklok!

Kahit labag na sa kanyang kalooban,
Sasang-ayon na lamang, di lang maputukan!
Oo dito, oo doon – yan ang kanyang panlaban
Upang ang amo, siya ay hangaan!

Di ba’t ang ganire’y sadyang kawawa
Kanyang mga kaibigan, lahat ay mawawala!
Darating ang panahon, siya ay mabubulaga:
Kaylungkot pala sa tuktok kung iniwan naman ng iba…

(Harlan D. Busto)

Saturday, July 30, 2011

Tula para sa mga Tsismoso't Tsismosa

Ang pagkakalat ng mga istorya
Tungkol sa buhay-buhay ng iba
Ay isang malinaw na tanda
Na ikaw ay walang magawa!

Tsismis dito, tsismis doon,
Ang oras mo'y nilalamon
Kahit diploma mo pa'y isang balunbon,
Talino mo'y natatapon!

O, bakit nga ba may mga tao
Na sa problema ng iba'y intresado?
Sila kaya'y may kalyo sa puso?
O sadyang mangmang nga lang siguro...

Naninira, bumubulong -
Diyan ang araw nila'y gumugulong
Sa Xerox, sa canteen, o kahit bubong
Animo'y laging nagpupulong!

O, tadhana, sa aki'y ipaliwanag
Kung bakit sila'y sa tsismis nababangag
Tinatakam na makapangalampag
Kahit sa dangal ng iba'y makabasag!

Huwag namang ang loob ay sumama,
Sa aking tanong at tula;
Si Busto lamang ay nagtataka
Kung bakit sa mundo'y may mga katulad ka...