Ang tao nga naman, kung gustong umangat,
Makasagasa man ng iba, gagawin ang lahat!
Sisipsip, bibilog, tatango, kikindat…
Makamit lang ang pagtaas, o kaya’y pagsikat!
May kilala ka bang ang diskarte’y bulok?
Ibabandila ang pangalan sa lahat ng sulok!
Kunwa’y hihimasin ang amo sa batok,
Nguni’t sa loob, nais lang na maluklok!
Kahit labag na sa kanyang kalooban,
Sasang-ayon na lamang, di lang maputukan!
Oo dito, oo doon – yan ang kanyang panlaban
Upang ang amo, siya ay hangaan!
Di ba’t ang ganire’y sadyang kawawa
Kanyang mga kaibigan, lahat ay mawawala!
Darating ang panahon, siya ay mabubulaga:
Kaylungkot pala sa tuktok kung iniwan naman ng iba…
(Harlan D. Busto)